LGUs na nais sundan ang Provincial Food Council ng Nueva Ecija, dumarami na
Dumarami na ang mga Local Government Units mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagnanais na sundan o gayahin ang binuong Provincial Food Council partikular ang Palay Price Support Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at ginawa itong inspirasyon upang matulungan din ang kanilang mga kababayang nagtatanim ng palay.
Kamakailan lamang ay binisita ng Pamahalaang Bayan ng Bongabong, Oriental Mindoro ang lalawigan ng Nueva Ecija upang personal na makaharap ang utak at may inisyatibo ng pamimili ng palay sa mga magsasaka na si Governor Aurelio Umali para humingi ng tulong at gabay kung paanong sisimulan ang ganitong uri ng programa.
Ibinahagi sa kanila ni Governor Oyie ang dahilan at layunin ng pagkakatatag ng PFC noong 2019 at mga pagsubok na pinagdaanan ng Palay Price Support Program na ang pangunahing susi aniya kaya naisakatuparan ay ang pagtutulungan sa pamamagitan ng maayos na komunikasyon at pagsunod sa itinalagang mga protocols, ng iba’t ibang ahensya, departamento ng pamahalaang lokal at mga organisasyon na kabilang sa Food Council.
Sinabi naman ni Vice Governor Anthony Umali na malaki ang naging bahagi ng Sangguniang Panlalawigan para sa implementasyon ng naturang programa kaya mahalaga na sa bawat proyekto ng ehekutibo ay nakasuporta ang lehislatibo.
Sa panayam kay Oriental Mindoro Councilor John Michael Malaluan ay sinabi nitong layunin nilang matulungan ang sektor ng pagsasaka sa kanilang lugar na apektado din ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Kaya nang mabalitaan nila ang pamimili ng palay ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ay nagpursige silang makarating sa probinsya para mabigyan ng gabay sa pag-iimplementa nito sa kanilang lugar.
Kabilang sa nakikita niyang maaaring maging hamon sa kanila sa replikasyon ng programa ay ang pamimili ng mga magsasakang magiging prayoridad na mabenepisyuhan, pagputol sa chain cycle ng utang, tanim, ani, bayad utang at utang uli sa mga private traders at iba pang kooperatiba.
Sinaksihan ng kanilang delegasyon ang aktwal na pamimili ng palay ng kapitolyo sa San Josef, Laur, Nueva Ecija mula sa pagkuha ng moisture content, mano-manong pagtitimbang ng kada kaban ng palay, paghahakot ng mga kinaban sa truck, pagpepresyo ng palay, pagreresibo, pagpunta ng benepisyaryo sa Provincial Treasurer’s Office upang kunin ang bayad, at paghahatid ng mga palay sa kapartner na Rice Millers.
Nagpasalamat naman si Councilor Malaluan sa mainit na pagtanggap ng Nueva Ecija partikular nina Gov. Oyie at Vice Gov. Anthony sa kanilang grupo at nawa aniya ay mas marami pang magsasaka ang patuloy na maiangat ang kabuhayan sa tulong ng kanilang programa.
Nauna na ring bumisita ang Provincial Government ng Sorsogon sa lalawigan para sa replikasyon ng naturang programa sa kanilang probinsya, ilan naman sa mga LGUs na may ganito na ring programa ay ang Isabela, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilo-ilo, Aklan, at South Cotabato.
Panuorin ang buong video sa:
YOUTUBE LINK: https://www.youtube.com/watch?v=jCrm1eZczHY
FACEBOOK LINK: https://www.facebook.com/ne.tv48/videos/1802841460058198
PHP1.40 SINGIL SA PAGPAPATUYO NG PALAY SA 2 DRYING FACILITY NG PROVINCIAL GOVERNMENT, APRUB NG SP
Pinukpukan sa 33rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na mapagtibay ang isang ordinansang isinasaayos ang pamantayan ng paniningil para sa pagpapatuyo at paggiling ng palay sa mga post-harvest facilities na pag-aari ng Provincial Government.
Sa ilalim nito ay maniningil ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga magsasakang magpapatuyo ng palay sa Nueva Ecija Provincial Government Grain Drying Facility and Research Center na nasa Palayan City at NEPG Rice Mill Complex na nasa Guimba, ng halagang Php1.40 per kilo.
Nagkakahalaga naman ng Php1.30 kada kilo ang sisingilin sa mga magpapagiling ng palay sa NEPG Rice Mill Complex.
Nauna nang ipinaliwanag ni Acting Provincial Agriculturist Doc. Jobeat Agliam sa 32nd Regular Session na may dati nang basehan sa paniningil ang Drying Facility na nasa Palayan City na nagkakahalaga ng Php45 per sako ng palay, ngunit bunsod aniya ng inflation ay itinaas na ito sa Php1.40 bawat kilo.
Sinabi din nito na maging ang National Food Authority na naatasan ni Pangulong Bongbong Marcos na mamili na rin ng basang palay sa mga magsasaka ay maaaring gumamit ng mga pasilidad na ito.
Inaasahan ani Doc. Agliam na magagamit at makapaghahatid na ng serbisyo sa mga mamamayan ang Rice Mill sa Guimba sa darating na anihan.
PROVINCIAL GOVERNMENT, CLARRDEC, MAGKATUWANG SA PAG-UNLAD NG AGRIKULTURA AT PANGINGISDA SA REGION 3
Aprub sa 19th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda bilang kinatawan ng Provincial Government sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Central Luzon Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development Consortium (CLARRDEC) para sa mahusay na pamamahala at koordinasyon sa Enhanced Regional Collaborative Program for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development in Region 3.
Ayon kay Dr. Jayson De Guzman, Assistant Provincial Agriculturist, sa pamamagitan ng MOA ay patuloy na magiging kaagapay ng CLARRDEC ang Pamahalaang Panlalawigan para sa pagpapalawig ng mga research and development sa pag-aagrikultura at palaisdaan sa rehiyon.
Sinabi ni Dr. Jayson na magiging kabahagi ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga pagsasaliksik na ito sa pamamagitan ng paggamit sa mga pasilidad, man power at mga proyektong isinasagawa sa probinsya na may kinalaman sa agrikutura at palaisdaan.
Kabilang na dito ang Nueva Ecija Hatchery na nasa loob ng Nueva Ecija Fruit and Vegetable Seed Center sa Central Luzon State University, kung saan nagkakaroon ng tilapia fingerlings production.
Inihayag din ni Dr. Jayson na patuloy ang pamamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng libreng fingerlings ng tilapia at hito sa mga magsasakang Novo Ecijano kaagapay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Mapakooperatiba man o indibidwal ay maaari din aniyang mapagkalooban ng mga binhi ng tilapia na matagal na o may karanasan na sa pag-aalaga ng isda. – ulat Ni Jovelyn Astrero
SOLUSYON SA MATAAS NA PRESYO NG BIGAS, INIHAIN NI GOVERNOR UMALI
Mula sa personal na karanasan sa pamimili ng palay sa lalawigan ng Nueva Ecija ay inihain ni Governor Aurelio Umali ang ilang pamamaraan na posibleng maging solusyon upang mapababa ang presyo ng bigas sa ginanap na Consultation with Rice Stakeholders, na pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, noong October 6, 2023.
LIBRENG BINHI NG SIBUYAS, PALAY, NATANGGAP NG SAMAHANG MAGSASAKA NG CAPUTICAN SA TALAVERA
Pinangunahan ni Vice Governor Doc Anthony Umali ang pamamahagi ng mga libreng binhi ng sibuyas sa isinagawang High Value Crops Development Program ng Pamahalaang Panlalawigan.
Pangunahing benepisyaryo nito ang mga Farmers Cooperative and Association (FCA) ng Nueva Ecija.
Bukod sa sibuyas, namahagi rin ng Shallow Tube Wells at Multi Cultivator.
Ang Samahang Magsasaka ng Caputican sa Bayan ng Talavera ang isa sa mga nabiyayaan ng programa
Malaking bagay umano sa kanila ang natanggap na mga binhi dahil napakamahal ng mga buto ng sibuyas.
Sa red crayon ang isang lata o 400g ay Php 2,000 pesos hanggang 2,500 habang ang puting sibuyas naman ay umaabot ng mahigit sa Php 7,000 ang isang lata.
Ayon sa kanilang pangulo ay parang sugal at walang kasiguraduhan kung kikita sila o hindi dahil may pagkakataon na napepeste ng harabas ang kanilang kalaban o di kaya pag dating ng anihan ay bagsak presyo ng kanilang aning sibuyas.
Pero dahil sa kanilang natanggap na libreng mga buto ay hindi na sila nangangamba at natatakot na magtanim ngayon.
Malaking pasasalamat ng samahan sa patuloy na mga programang ipinagkakaloob sa kanila ng Kapitolyo dahil noong nakaraang taon lang sa isinagawang pamamahagi ng mga makinarya ay marami silang natanggap na mga kagamitan sa pagsasaka.
Maliban sa binhi ng sibuyas ay nakatanggap din ng libreng binhi ng palay at pataba ang samahan ng mga magsasaka na palay ang itinatanim.
Dahil sa magandang ugnayan ni Governor Aurelio at Vice Gov Doc Anthony Umali sa Department of Agriculture ay naisakatuparan ang pangarap ng mga magsasakang Novo Ecijano na magkaroon ng sariling makinarya ang mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka sa lalawigan.
NUEVA ECIJA, KASAMA SA PAGTAAS NG BUDGET NG BANSA PARA SA TAONG 2024
Muling bumisita si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman sa Nueva Ecija, kung saan dumalo siya sa Research Innovation and Development (RIDe) Festival 2023 ng Central Luzon State University (CLSU).
Binigyang-diin niya sa kanyang talumpati ang kaugnayan sa pagitan ng CLSU RIDe Festival at ang kanyang adbokasiya sa innovation, research and development (R&D), at sustainability.
Sa unang pagbisita ni DBM Secretary Pangandaman sa kauna-unahang Public Financial Management Competency Program katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali na ginanap sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), ay inihayag niya ang kahalagahan at kontribusyon ng State Universities at Colleges (SUCs) sa paghubog ng mga kaisipan at pagkatao ng mga kabataan sa buong bansa na silang inaasahang tatayo bilang mga susunod na lider ng lipunan..
Kaya naman nagpondo ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng kabuuang P924.7 bilyon para sa edukasyon sa susunod na taon.
Nakapaloob dito ang patuloy na libreng pag-aaral sa kolehiyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education program na may nakalaang pondo na P51.1 bilyon, na kung saan ang P21.7 bilyon ay para sa mga SUCs sa buong bansa.
Maliban pa rito ang P3.4 bilyon na inilaan ng pamahalaang nasyonal para sa mga pagawain o infrastructure projects.
Sa panayam ng TV48, sinabi ng kalihim na tumaas ang 2024 National Tax Allotment (NTA) na prayoridad na ilaan sa sektor ng agrikultura, imprastraktura at PDP Plan, at dahil ang Nueva Ecija ay isang Agricultural Province, ay kabilang ito sa paglalaanan ng 6.2% na proposed National Budget para sa susunod na taon.
Masaya ring ikinuwento ni Pangandaman na naging paborito niya ang mga produkto ng Philippine Carabao Center (PCC), kaya nais din niyang paunlarin ang mga produkto doon upang matulungan hindi lamang ang mga coops kundi maging ang mga maliliit na nagtitinda.
KAPITOLYO, MAMIMILI NG PALAY PAGKATAPOS NG BARANGAY AT SK ELECTION BAN
Ipagpapatuloy ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang pamimili ng palay sa mga magsasaka pagkatapos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa darating na October 30, 2023.
Ayon kay Vice Gov. Anthony Umali, gustuhin man ng kapitolyo na bumili ng palay ngayong anihan pero hindi pa rin sila makakilos dahil panahon pa ng election ban.
“Yung ating mga magsasaka na nagsipag-ani, huwag po kayong umiyak, nalulungkot din po kami, gusto din po naming bilhin ang inyong mga palay sa lalong madaling panahon hindi lang po kami makakilos dahil sa election ban. Pero pagkatapos na pagkatapos po nitong halalan na pambarangay, kami po ay magreresume para mabili po ang mga palay po ninyo sa inyong mga bukirin.” sabi ni Nueva Ecija Vice Gov. Anthony Umali
Sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong October 17, 2023, sinabi ni Governor Aurelio “Oyie” Umali na humingi sila ng pahintulot sa Commission on Elections para direktang mamili ng palay sa mga magsasaka ngunit hindi inaprubahan ng komisyon.
Ipinaliwanag ng gobernador na ang pamimili ng palay ng Provincial Food Council simula noong 2019 ay hindi dole-out o inaabot at ibinibigay lamang tulad ng TUPAD na programa ng pamahalaan. Ang pamimili ng palay sa mga magsasaka ay may katumbas na halaga na binibili ang kanilang ani sa mas mataas na presyo kumpara sa prevailing market price o kalakarang umiiral sa lugar.
Nilinaw ni Gov. Oyie na hindi siya kontra sa pagpayag ng COMELEC na ituloy ang lahat ng uri ng pamamahagi ng ayuda ng DSWD bagkus ay bukas ang kanilang tanggapan sa mga programang makakatulong sa mga Novo Ecijano.
Bilang Rice Granary of the Philippines ang Nueva Ecija, hindi dapat na matigil ang pagproduce ng bigas sa lalawigan kaya nagsumikap ang kapitolyo para mas maiangat pa ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Ibinalita rin ng ama ng lalawigan na pipirmahan na sa linggong ito ng National Food Authority at PGNE ang isang Memorandum of Agreement para makapamili na ng palay sa lalawigan.
Dahil dito, magkakaroon na ng pagkakataon ang mga rice farmers na mas tumaas ang kita para magtuluy- tuloy sa pagtatanim at kanilang kabuhayan.
NUEVACHAR, SOLUSYON SA PROBLEMA SA LANGAW, MAKATUTULONG DIN SA KALIKASAN AT MATAAS NA ANI NG MGA MAGSASAKA
Napatunayan ng isang poultry farm owner na si Dr. Marcelino Perez, isang veterinarian na ang Nuevachar ang solusyon sa problema sa sandamakmak na langaw na karaniwang inirereklamo sa mga bahayan.
Ayon kay Dr. Perez, maraming benepisyo ang kanyang nakita simula nang gamitin niya ang Biochar noong Setyembre. Isa na nga dito ang pagkawala ng langaw at amoy ammonia sa lugar. Bukod dito ay mas nakatipid siya kumpara sa ipa na dati niyang ginagamit sa kanyang farm.
Sinabi naman ni Atty. Rodeo Nunez, Marketing Director ng ALCOM Carbon Markets Philippines, ang Biochar ay bago lamang sa Pilipinas na pinasimulan ni Nueva Ecija Governor Aurelio “Oyie” Umali sa pagtutulungan ng kapitolyo at ALCOM.
Aniya, nakapagpamahagi na ang Pamahalaang Panlalawigan at ALCOM ng umaabot sa 400 tons na Nuevachar sa 27 munisipalidad at 5 siyudad sa lalawigan na nagkakahalaga ng humigit kumulang siyam na milyong piso. Ito ay naipagkaloob ng libre sa mga magsasaka.
Sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong October 24, 2023, ibinalita ni Gov. Oyie na malaki ang naitutulong nito sa mga magsasaka upang mapataas ang aning palay. Dahil ito ay organic, maganda ang naging epekto nito sa mga lupain kumpara sa mga kemikal o fertilizer na ginagamit ng karamihang magsasaka na sadyang nakakasira sa lupa.
Dagdag pa ng gobernador, sinubukan na din nila gamitin ang Biochar sa mga pananim na sibuyas at gulay kung saan mas gumanda at lumaki rin ang ani ng mga magsasaka.
Bukod sa zero flies sa mga poultry farm at pagpapataas ng ani ng mga magsasaka, napatunayan din ng Puro.earth na ang NuevaChar ay pumipigil sa pagkasira ng kalikasan.
Hinikayat din ni Gov. Oyie ang mga ricemillers na gawin din ang ganitong pamamaraan upang mas matulungan ang kalikasan at mga lupang tinatamnan ng mga mga magsasaka.